Mar Roxas, tinanggap ang hamon para sa 2016 Elections

via Abi valtePormal nang inindorso ni Pangulong Benigno Aquino III si Interior and Local Government Secretary Mar Roxas na aniya’y siyang magpapatuloy ng kanyang pamamahala ng ‘Daang Matuwid’.

Tinanggap din ni Roxas ng walang pasubali ang endorsement ng pangulo. “Ako si Mar Roxas at tinatanggap ko ang hamon ng ating mga boss,” pahayag ni Roxas.

Sa tinaguriang ‘Gathering of Friends’ sa Kalayaan Hall ng Club Filipino sa Greenhills ay ipinaliwanag ng pangulo ang dahilan ng pagpili niya ng kandidato na siguradong itutuloy ang daang matuwid.

Walang kagatol-gatol na sinabi ni PNoy na ito raw ay walang iba kundi si Mar Roxas. “Sa madaling salita po doon na tayo sa siguradong itutuloy ang daang matuwid. Ang paniniwala ko po ang taong ito ay walang iba kundi si Mar Roxas,” pahayag ng pangulo na sinalubong ng masigabong palakpakan at hiyawan ng mga dumalo sa pagtitipon.

Pinanindigan ng pangulo na may kakayahan si Roxas na ituloy ang daang matuwid na ginawa ng kanyang administrasyon.”Ang pinili ko na magtutuloy ng daang matuwid ay siguradong may integridad, walang ibang boss kundi ang taumbayan, walang ibang pinagkakautangan ng loob, walang ibang interes kundi ang taumbayan,” pahayag ni Aquino.

Inisa-isa rin ng pangulo ang mga dahilan kung bakit si Roxas ang nararapat para magpatuloy ng nasimulan ng kanyang administrasyon.

Si Roxas anya ang nagsikap para madala at mapalago sa bansa ang BPO Industry lalo na sa larangan ng nagawa nitong mga trabaho.

Dagdag pa ng presidente, hindi iniiwan ni Roxas ang isang bagay hanggat hindi ito nagiging matatag gaya ng mga kalamidad at gulo sa bansa.

Wala pang napipiling running mate para sa 2016 elections ang Liberal Party bagaman sinabi ng mga opisyal ng partido na mananatiling bukas ang kanilang pinto para kay Senator Grace Poe./Len Montaño, Alvin Barcelona, Jan Escosio, Gina Salcedo

Read more...