2 patay, 24 sugatan sa pagsabog ng tindahan ng paputok sa Bocaue, Bulacan

Bocaue blast
Kuha ni Erwin Aguilon

(UPDATE) Umakyat na sa dalawampu’t apat (24) ang bilang ng mga nasugatan sa pagsabog ng isang tindahan ng paputok sa Mc Arthur Highway, Binang 1st, Bocaue, Bulacan.

Base sa update, wala naman sa mga napaulat na nasugatan ang nasa kritikal na kondisyon at ang mga ito ay isinugod na sa St. Paul Hospital, Mt. Carmel Hospital, Dr. Yanga Hospital at St. Michael Hospital.

Nakilala ang ilan sa mga nasugatan na sina Arnold Co, Jeff Abayan, Michael Navarro, Erlinda Farines, Stephanie Estipa at Edgar Ducat.

Kinilala na rin ang isa sa mga nasawi na si Manuel Ayala, dating Brgy. Chairman at may-ari ng isa sa mga establisyimiento na nasa palagid ng sumabog na pagawaan ng paputok.

Isa namang hindi pa nakikilalang babaeng biktima na sinasabing rider ng motorsiklo ang nasawi rin at isa pa ang nawawala.

Ayon kay Fire Senior Inspector Renan Bachine, Bocaue Fire Marshall, nagsimula ang pagsabog dakong 10:45 ng umaga sa Gonzales Fireworks na nasundan ng sunog na umabot sa ikaapat na alarma at naapula dakong 1:05 ng hapon.

Kuha ni Erwin Aguilon

Anim na sasakyan ang nadamay sa sunog kabilang na ang isang motor, isang tricycle, dalawang truck, isang pampasaherong dyip at isang starex van.

Karamihan ayon kay Bachine na nasugatan ay mga dumaraan kabilang ang mga pasahero ng dyip.

Nahirap aniya sila na apulahin ang apoy dahil sa pagsabog at paglipad ng mga yero at iba pang debris.

Kuha ni Erwin Aguilon

Sampung establisyimento naman ang nadamay sa insidente.

Nanatili naman na sarado ang bahagi ng McArthur Highway sa lugar dahil naroon pa rin ang mga napinsalang sasakyan at mga debris mula sa pagsabog.

Patuloy ang pag iimbestiga ng awtoridad para alamin ang ugat ng pagsabog.

Samantala, hindi pa rin nakikilala ang napaulat na nasawi sa insidente bunga ng matinding pagkakasunog ng katawan.

Read more...