Ayon kay Philippine Economic Zone Authority (PEZA) Director General Charito “Ching” Plaza, unang pagkakataon ito sa bansa na mayroong papasok na investor mula sa bansang Poland,
Sa Biyernes aniya pasisinayaan na ang planta ng Polish company sa lalawigan ng Bataan.
Sinabi ni Plaza na ang isa lamang ang Poland sa maraming mga bansang nagpahayag ng interest na magtayo ng negosyo sa Pilipinas sa ilalim ng bagyong foreign policy ng bansa kung saan nagbibigay sa kanila ng tax incentives ang pamahalaan.
“Napakaraming investors coming in, nagtutungo na sila sa PEZA to avail of the tax incentives para sa mga foreign ivestors, at isa nga dito ang delegation mula Poland, nakausap ko kahapon, mag-iinvest sila sa bansa. sa Friday, pasisinayaan na nila ang planta nila sa Bataan,” sinabi ni Plaza sa panayam ng Radyo Inquirer.
Sinabi ni Plaza na kabilang sa mga kumpanya na nagpahayag din ng interest na mag-negosyo sa bansa ay mula sa bansang China, Taiwan at Thailand.
Samantala, target ng PEZA na makapagtayo ng Special Economic Zone sa bawat lalawigan sa bansa para doon hikayatin ang mga local at foreign investors na magtayo ng negosyo.
Mangangahulugan aniya ito ng paglikha ng maraming trabaho sa mga manggagawa sa mga lalawigan nang hindi na nila kakailanganin pang lumuwas o manirahan sa Metro Manila para kumita ng pera.
“We are going to revolutionize PEZA, ang magiging objectives natin is to increase our export oriented products and create millions of jobs for our people,” dagdag pa ni Plaza.
Sa ngayon ay mayroon lamang limang Special Economic Zones sa bansa.