Sen. De Lima at pitong iba pa, inireklamo sa DOJ

De Lima DOJ
Kuha ni Erwin Aguilon

Ipinagharap ng reklamong paglabag sa Anti Drug Trafficking Law sa Department of Justice si Senator Leila De Lima at pitong iba pa.

Base sa 62-pahinang reklamo na inihain ni Volunteers Againts Crime and Corruption Chairman Dante Jimenez, may basehan para kasuhan sina De Lima at sina dating Usec. Francisco Baraan III, dating BuCor Chief Franklin Bucayu, dating NBP Supt. Wilfredo Ely, dating aide na si Joenel Sanchez, dating driver-body guard na si Ronnie Dayan, pamangkin nito na si Jose Adrian Dera at Jaybee Sebastian sa pagpapalaganap ng droga sa New Bilibid Prisons.

Ginamit anila ni De Lima ang kanyang kapangyarihan bilang Justice Secretary para i-promote ang massive drug trade sa Bilibid.

Ito ayon sa abogado ng VACC na si Atty. Ferdinand Topacio ay sa pakikipagsabwatan sa mga kapwa akusado.

Lumabas aniya sa pagdinig ng Kamara na naging Little Las Vegas at World Wild West ang Maximum Security Compound ng NBP noong si De Lima pa ang kalihim ng DOJ bukod pa sa pagiging Drug Center of the Philippines.

Nabatid din mula sa House hearing na plano ni Jaybee Sebastian ang naganap na mga raid at ang pagpapalipat ng Bilibid 19 sa NBI dahil sa kanyang koneksyon kay De Lima.

Marami aniyang pribilehiyo na natatanggap ang ibang mga inmates kapalit ng perang ibinibigay ni Sebastian kay Sen. De Lima.

Nakasaad pa sa affidavit na para makontrol ni De Lima ang negosyo sa loob ng Bilibid, inilipat sa NBI ang 19 na high profile inmates kabilang na si Herbert Colanggo.

Tumanggap naman anila si Bucayu ng milyong pisong halaga kada buwan para walang raid na maisagawa sa loob ng Maximum Security Compound at maaaring manatili sa loob ng NBP ang mga bisita ng tatlong araw.

Si Baraan naman aniya ay nakikinabang sa pamamagitan ng paglilipat ng inmate mula sa Maximum o Medium kung saan dito napupunta ang bayad ng mga Chinese Drug Lords.

Si Dayan naman anila ang kumukolekta ng pera para kay De Lima.

Naniniwala naman si Jimenez na may motibo si De Lima para masangkot sa illegal drug trade dahil sa ambisyon nito na maging senador noon pang taong 2013.

Read more...