20 katao patay sa pagguho ng apat na gusali sa China
Hindi bababa sa dalawampu ang nasawi matapos gumuho ang ilang multi-story buildings sa China.
Pawang mga migrant workers ang nasa loob ng mga gusali nang maganap ang insidente.
Ayon sa Lucheng district government, apat na residential buildings ang gumuho sa Wenzhou, Zhejiang province.
Batay naman sa ulat ng Xinhua news agency, kumpirmadong patay ang dalawampu katao, anim ang nailigtas habang hindi pa mabatid ang bilang ng mga nawawala.
Inaalam pa ng rescue team ang bilang ng mga indibiduwal na na-trap sa ilalim ng debris ng mga gumuhong gusali.
Ayon naman kay Fire Department officer Sun Jing, iniiwasan nila na mapahamak ang mga na-trap sa gumuhong gusali kung kaya’t tanging mga kamay ang ginagamit ng mga rescuers sa paghuhukay.
Dahil sa insidente, ang iba pang gusali na nasa naturang lugar na noon pang 1970 itinayo ay sinimulan nang gibain para maiwasan ang pagguho din ng mga ito.
Ngayon ay isinailalim na sa imbestigasyon ng mga otoridad ang insidente para mabatid ang dahilan ng pagguho.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.