Koneksyon ni De Lima kay Sebastian idinetalye ni Peter Co sa Kamara

Peter Co1
Photo: Isa Umali

Idinetalye ng convicted drug lord na si Peter Co sa pagdinig ng Kamara sa illegal drug trade sa Bilibid kung gaano kalakas kay dating Justice Secretary at ngayo’y Sen. Leila De Lima ang kanyang kapwa preso na si Jaybee Sebastian.

Sa kanyang sinumpaang salaysay, sinabin ni Co na taong 2008 nang makilala niya sa loob ng Bilibid si Sebastian na pinuno ng Commando Gang.

Ilang beses umano siyang kinausap ni Bautista na magsama sila ng pwersa para kontrolin ang kalakalan ng droga sa loob ng bilangguan.

Sinabi ni Co na hindi siya pumayag sa gusto ni Sebastian dahil gusto na niyang ayusin ang kanyang buhay makaraan siyang mabilanggo dahil sa illegal drugs simula pa noong 2002.

Makaraan siyang tumanggi sa alok ni Sebastian ay bigla na lamang siyang nailipat ng kulungan sa Palawan noong 2010.

Humingi umano siya ng tulong sa isang kaibigan na dati ring bilanggo para siya’y muling maibalik sa New Bilibid Prisons.

At sa pamamagitan ng pagbabayad ng P2.4 Million noong 2012 ay naibalik nga siya sa NBP dahil din sa umano’y tulong ni Sebastian.

Noong taon rin na iyon ay lumapit sa kanya si Sebastian at sinabi ng kailangan nilang magtulong-tulong para sa buwanang “tara” o lagay para sa kandidatura ni Sec. De Lima sa 2013 elections.

Sa kabuuan ay umabot sa P10 Million ang kanyang naibigay kay De Lima bilang tulong sa kampanya.

Taong 2013 naman ng lapitan siya ni dating BuCor Director Rafael Ragos kung saan ay binigyan sila ng quota ng nasabing opisyal na P100,000 kada buwan at nagpatuloy umano ito hanggang sa termino ni dating Director Franklin Bucayo.

Noong March 25, 2016 ay dinalaw siya ng kanyang pamangkin sa Bilibid, pero paglabas nito ay dinukot sila ng mga armadong kalalakihan at dinala sa Bicutan sa Taguig.

Isang lalaki umano ang nakausap niya sa telepono at humihingi ng P5 Million para sa kalayaan ng mga biktima.

Humingi siya ng tulong sa kapwa bilanggo na si Hans Anton Tan at sa pamamaitan ni Tan ay nakilala niya ang isang nagngangalang “Jad” na umano’y pamangkin ni Sen. De Lima.

Mula sa P5 Million ay naibaba sa P1 Million ang binayaran nilang ransom na inutang niya sa isang kaibigan habang naglalaro ng casino.

Sa isang casino hotel umano kinuha ni Jad ang nasabing pera.

Makalipas ng ilang araw ay muli raw lumapit sa kanya si Jad at humiram ng  mga sasakyan para sa kandidatura ni De Lima.

Nasundan din daw ang nasabing pagtatagpo ng muling paghingi ng pera ni Jad na umaabot sa P3 Million.

Sa kabuuan ng kanyang testimonya ay ipinaliwanag rin ni Co kung paanong konintrol ni Sebastian ang drug trade sa loob ng Bilibid habang siya bilang kasama sa tinaguriang Bilibid 19 ay ikinulong sa tanggapan ng NBI.

 

 

 

Read more...