Alma Moreno at Princess Kiram, kasama sa UNA lineup

Kiram and MorenoKasama sa senatorial lineup ng United Nationalist Alliance (UNA) ang aktres na si Alma Moreno at si Princess Jacel Kiram na anak ng yumaong sultan ng Sulu.

Ito ang inanunsyo ni Vice President Jejomar BInay sa pagbisita niya kahapon, Huwebes sa Cavite City.

Sinabi ni Binay na napili ng partido si Moreno dahil sa magandang performance nito bilang chairman ng Philippine Councilors League.

Nang tanungin naman si Binay kung kasama sa senatorial lilneup si Saranggani Rep. Manny Pacquiao, sinabi ng bise presidente na hintayin na lamang ang buwan ng Oktubre na panahon ng paghahain ng certificate of candidacy para sa mga tatakbo sa 2016 elections. Sinabi din ni Binay na tiniyak sa kaniya ni Pacquiao na hindi siya lilipat ng kampo at mananatili siya sa bise presidente.

Ayon kay Binay kung nasa tamang edad lang si Pacquiao ay hihilingin niyang maging running mate ito para sa 2016 elections. Tatlumpu at anim na taong gulang lamang si Pacquiao at ang isa sa mga requirement sa ilalim ng Saligang Batas para makatakbo bilang vice president ay dapat nasa edad 40.

Samantala, ang nakatakdang paglalahad ni Binay ng sarili niyang State of the Nation Address na tinawag niyang TSONA o True State of the Nation Address ay sa Lunes isasagawa sa Kapitolyo sa Trece Martires sa lalawigan ng Cavite. / Dona Dominguez-Cargullo

Read more...