Sebastian at Sanchez, nag-face-off sa Kamara

By Isa Avendaño-Umali October 10, 2016 - 03:58 PM

Sebastian-Sanchez
Photo: Isa Umali

Nagkita at nagbarahan sina Jaybee Sebastian at Joenel Sanchez sa ika-apat na pagdinig ng House Justice Panel kaugnay pa rin sa illegal drug trade sa New Bilibid Prisons o NBP.

Mula nang maupo sa witness stand si Sebastian na isang kontrobersyal na high-profile inmate ng Bilibid ay si Sanchez ang bukam-bibig nito na umano’y taga-kubra ng mga drug money para kay dating Justice Secretary at ngayo’y Senadora Leila de Lima.

Ayon pa kay Sebastian, si Sanchez daw ang ‘sweetie’ o kasintahan ni de Lima.

Inatasan ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas si Sebastian na lapitan si Sanchez na dumalo muli sa pagdinig upang malaman kung talagang kilala nito ang dating aide ni De Lima.

Tumayo si Sebastian at nilapitan si Sanchez sabay tapik sa balikat.

Sa pagtatanong ni Antipolo Rep. Romeo Acop kay Sebastian kung sino sa dalawa ang nagsasabi ng katotohanan, sagot ng high-profile inmate ay siya raw.

At nang matanong naman si Sanchez kung tunay ba ang alegasyon ni Sebastian na siya raw ang boyfriend noon ni De Lima, tahasang sagot ni Sanchez ay “Hindi po totoo yan!”

Pinabulaanan din ni Sanchez na tumanggap siya ng drug money mula kay Sebastian.

Subalit iginiit ni Sebastian na si Sanchez ang nagpatakbo ng fund raising para kay De Lima at hindi si Ronnie Dayan ng dating driver at umano’y lover ng Senadora at ininguso ng mga naunang testigo.

Dahil dito, kinuwetiyon ni Acop ang dalawa at kung sino raw ba sa mga ito ang nagsasabi ng katotohanan.

Binalaan naman ni House Justice Panel Chairman Rey Umali na pwedeng makasuhan ng perjury si Sanchez kung nagsisinungaling sa komite.

Matatandaan na walang immunity from suit si Sanchez, habang si Sebastian ay nabigyan nito mula kay House Speaker Bebot Alvarez.

TAGS: Bilibid, NBP, sanchez, sebastian, Bilibid, NBP, sanchez, sebastian

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.