FBI, tumutulong na sa Aika Mojica slay case

 

11798398_856700874414690_913343259_n
Photo contributed by Coun. Jong Cortez

Tumulong na ang Federal Bureau of Investigation (FBI) sa paghahanap sa Filipino American na pangunahing supek sa pagpatay sa 23 anyos na si Aika Mojica ng Olongapo City.

Ayon kay Mayor Rolen Paulino, nabigyan na nila ng kopya ng arrest warrant ang FBI laban kay Jonathan Dewayne Ciocon Viane sa pamamagitan ng US Embassy sa Maynila.

Kung sakaling maaresto sa US, sa nasabing bansa ikukulong si Viane at hindi mapapauwi dito sa Pilipinas dahil sa isang US citizen si Viane. Ipinaliwanag ni Paulino na hindi pwedeng humiling ng extradition ng Pilipinas laban sa suspek. Si Viane ay residente ng Anchorage, Alaska.

Samantala ang isa pang suspek na si Niño dela Cruz ay pinaghahanap pa rin.

Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Olongapo Councilor Jong Cortez, sinabi nito na nakatutok ang imbestigasyon ngayon sa paghahanap kay dela Cruz. “Maraming nalalaman ito at sa kanya ang focus ng imbestigasyon ng pulis,” ani Cortez.

Si Viane at de la Cruz, ay kapwa kinasuhan sa Zambales RTC Branch 71 noong July 28 dahil sa pagpatay kay Mojica.

Kahapon ay nag-martsa ang ama ni Aika na si Joey kasama ang mga pamilya at kaanak nito matapos na ito ay ma-cremate. “Sabi ni Mang Joey, iuuwi ko na ang anak ko, pagod na pagod na siya,” habang hawak nito ang urn na naglalaman ng abo ng kanyang anak./Dona Dominguez-Cargullo, Gina Salcedo.

Read more...