UPDATE: Dalawa patay, isa sugatan sa hostage incident sa SM Dasmariñas

 

Screengrab mula sa FB

Dalawa ang nasawi at isa pa ang nasugatan sa hostage incident na naganap sa loob ng SM Dasmariñas City, Cavite ngayong araw ng Linggo.

Kabilang sa nasawi ay ang mismong hostage taker na si Carlos Lacdao, 32-anyos, tubong Leyte at isang babaeng biktima nito.

Sa panayam ng Radyo Inquirer kay dating Cavite Governor Jonvic Remulla, nagsimula ang hostage drama sa loob ng isang women’s restroom  sa SM Dasmariñas mag-aalas-dose ng tanghali.

Kwento ni Remulla, hinahanap ni Lacdao ang kanyang misis na isang bathroom attendant sa naturang mall.

Nang hindi matagpuan, ang mga nasa loob ng mall ang hinostage nito gamit ang  isang patalim.

Sa kabuuan, nasa 11 ang hinostage ng suspek ngunit kalaunan, nakatakas ang walo sa mga ito.

Gayunman, dalawa ang nasaksak ng suspek kung saan isa ang nasawi at isa pa ang nasugatan.

Dito na naiwan ang isa pang bathroom attendant na si ‘Mylene Balajadia’  na hinostage ni Lacdao ng ilang oras.

Nang dumating ang misis at mga anak nito, dito na nagwala umano ang suspek kaya’t dito na napilitang paputukan ng mga pulis ang suspek na tinamaan sa kanyang leeg at ulo.

Ayon kay Remulla, sa inisyal na imbestigasyon, sumugod umano ang suspek na mister sa mall upang komprontahin ang misis nitong bathroom attendant at umano’y pinagseselosan nito.

Ngunit nang hindi nito natagpuan ang misis, dito na nagwala at nanghostage ang suspek.

Read more...