Timetable ng Kamara para sa approval ng panukalang 2016 Budget, ‘on track’
Tiwala si House Appropriations Chairman Isidro Ungab na hindi makakaapekto ang pagbibitiw ni Senador Francis Escudero bilang counterpart niya sa Senado sa budget deliberations at timetable ng Kamara para sa 2016 Proposed National Budget.
Ayon kay Ungab, gagawin niya ang lahat para maging maayos ang working relationship niya sa sinumang maitatalagang bagong Chairman ng Senate Committee on Finance, kapalit ni Escudero.
Sinabi ni Ungab na nakakahinayang ang pag-alis ni Escudero sa finance panel ng dalawang Kapulungan, subalit tama ang ginawa ng senador lalo’t kung may mataas siyang ambisyon para sa 2016 Elections.
Inalala ni Ungab na naging good partner niya si Escudero sa pagpapatibay ng National Budget sa loob ng dalawang taon, at nagawa nilang mailusot ang pambansang pondo “on-time.”
Batay sa timetable ng Mababang Kapulungan, uumpisahan ang budget hearing sa August 10, at inaasahang mai-aakyat sa plenaryo sa kalagitnaan ng Setyembre.
Samantala, sa panig naman ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr, isang mabuting political move ang resignation ni Escudero sa mga komiteng kanyang pinamumunuan sa Senado.
Umaasa si Belmonte na gagayahin ito ng iba pang mga politiko na may planong sumabak sa halalan sa susunod na taon. “Nice political move from a master. Others similarly situated should take their cue,” mensahe ni Belmonte./Isa Avendaño-Umali
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.