Patay sa Haiti dahil sa Hurricane Matthew umabot na sa 842

By Den Macaranas October 08, 2016 - 08:19 AM

Haiti1
AP

Umakyat na sa 842 ang bilang ng mga namatay sa patuloy na pananalasa ng Hurricane Matthew sa kabuuan ng Haiti at Carribean.

Sa ulat ni U.S Ambassador to Haiti Paul Atidor, pahirapan ngayon ang komunikasyon sa lugar dahil sa malakas na hagupit ng hangin at grabeng baha ng dinaranas ngayon sa halos ay kabuuan ng naturang bansa.

Sinira rin ng category 5 na bagyo ang mga pangunahing tulay papasok sa Haiti capital city na Port-au-Prince na siyang sentro ng humanitarian at relief assistance center.

Sa kasalukuyan ay papasok na rin sa Haiti ang mga barko na naglalaman ng mga tulong mula sa U.S, Netherlands, France at United Kingdom.

Sinabi ni U.S Navy Rear Admiral Cedric Pringle na nagpahiram na rin sila ng mga military hardware para sa mabilisang paghahatid ng mga tulong sa mga shelter areas na patuloy na dinadagsa ng mga naapektuhan ng bagyo.

Bukod sa pagkain at tubig, nangangailangan ng mga dagdag na gamot ang Haiti.

Nanawagan na rin ng tulong sa kanyang mga kababayan si U.S President Barrack Obama na tumulong sa Haiti at idaan ang anumang tulong na maibibigay sa pamamagitan ng American Red Cross at ilang mga piling NGOs.

Ang Hurricane Matthew ay isa sa pinakamalakas na bagyo na tumama sa Haiti.

Ang Haiti ay hindi na bago sa mga natural disaster, noong 2010 ay umabot sa 220,000 katao ang patay at halos ay kalahating milyon ang sugatan makaraan silang yanigin ng isang malakas na lindol.

TAGS: haiti, Hurricane Matthew, Obama, red cross, haiti, Hurricane Matthew, Obama, red cross

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.