Mga mambabatas, di sumali sa Shake Drill  

 

house member
Kuha ni Isa Avendaño-Umali

Umabot sa isang libong mga empleyado at opisyal sa senado ang nakilahok sa Metro Manila Earthquake Drill.

Gayunman, walang senador na dumalo sa shake drill na pinangunahan ng Metro Manila Development Authority o MMDA.

Ayon kay Senate Sergeant-at-Arms Chief Jose Balajadia, naging maayos ang kooperasyon ng mga empleyado ng senado sa isinagawang shake drill.

Sa unang plano, ang mga empleyado, inabisuhan ang mga empleyado na magtungo sa ika-6 at ika-7 palapag ng gusali ng Senado sa sandaling matapos na ang pagtunog ng alarma.

Pero isang oras bago ang drill, muli silang inabisuhan na lumabas na lamang gusali at magtungo sa covered court na nagsilbing evacuation area at pick-up point.

Ayon kay Balajadia ang liquefaction at posibleng tsunami ang pinaghandaan nila sa nasabing drill.

Hindi naman tinukoy ni Balajadia ang dahilan kung bakit wala kahit isang senador na dumalo sa pagsasanay.

Samantala sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, nagdaraos ng kunwaring sesyon ng tumama ang magnitude 7.2 na pagyanig.

Nakabuo naman ng quorum sa kunwaring sesyon, pero ang mga dumalo sa sesyon ay mga empleyado lang ng kamara na gumanap bilang mga kongresista.

Ayon kay House of Representative Secretary General Marilyn Barua-Yap, magsasagawa ng isa pang drill sa kamara kung saan padadaluhin ang mga kongresista.

Parehong inalisan ng suplay ng kuryente ang senado at kamara sa kasagsagan ng drill.

Samantala sa Palasyo ng Malakanyang, si Pangulong Benigno Aquino III ay missing-in-action din sa kasagsagan ng drill.

Sa panayam kay Presidential Communications Office Sec. Sonny Coloma habang nagpapatuloy ang earthquake drill sinabi nitong hindi rin niya matukoy kung nasaan si PNoy sa kasagsagan ng pagsasanay.

Pero isang oras matapos ang earthquake drill, humarap sa media si Coloma at sinabing nasa Bahay Pangarap si PNoy noong nagpapatuloy ang drill at nakamonitor sa mga pangyayari.

Unang inanunsyo ng Malakanyang na lalahok sa drill si PNoy pero walang media na pinayagan na ito ay mai-cover kahit pa ang presidential photographer./ Isa Avendaño-Umali, Alvin Barcelona, Dona Dominguez-Cargullo

Read more...