Patay ang isang barangay chairman matapos pagbabarilin ng mga hindi nakilalang suspek sa Purok 4, Barangay Basilisa, Remedios T. Romualdez, Agusan del Norte.
Ayon sa ulat mula sa RTR Municipal Police, nakatanggap sila ng ulat kaugnay sa naganap na pamamaril at pagdating sa lugar nakita nila ang nakabulagtang biktima na nakilalang si Jessy Cris Borja, 32-anyos at kapitan ng barangay sa lugar.
Nagtamo ang biktima ng mga tama ng bala sa iba’t-ibang parte ng katawan mula sa hindi pa matukoy na kalibre ng baril na naging dahilan ng agaran nitong pagkamatay.
Nabatid na nasa loob ng kanyang warehouse ang biktima bigla na lamang dumating ang mga suspek na magka angkas sa motorsiklo saka ito pinagbabaril.
Kaagad namang tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo habang inaalam pa ng mga otoridad ang motibo sa krimen.