Kostodiya kay Edgar Matobato, inilipat muna sa PNP
Personal na inihatid ni Senator Antonio Trillanes IV si Edgar Matobato sa Philippine National Police (PNP) para pansamantala ay ipa-kostodiya ito sa pambansang pulisya.
Ayon kay Trillanes, temporary lamang ang pagpapakostodiya kay Matobato sa Camp Crame, matapos na mailabas ng korte sa Davao ang warrant of arrest laban dito.
Bailable naman aniya ang kaso ni Matobato at sa sandaling makapaghain ito ng piyansa at maisailalim sa arraignment ay kukunin muli ni Trillanes ang kostodiya kay Matobato.
Si Matobato ay nasa pangangalaga ni Trillanes simula nang humarap ito at tumestigo sa Senado kaugnay sa Davao Death Squad.
Ipinaubaya na rin ni Trillanes sa PNP kung saang lugar nila ia-accommodate o pansamantalang pananatilihin si Matobato habang nasa kanilang kostodiya.
Pagdating sa Camp Crame, sinabi ni Trillanes na nangako naman ang PNP na titiyakin ang seguridad ni Matobato.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.