Target ng Duterte administration na mabigyan ng serbisyo ng kuryente ang buong bansa pagsapit ng taong 2020.
Ito ang inihayag Energy Secretary Alfonso Cusi sa kanyang pagharap sa mga negosyanteng mula sa Europa sa isinagawang EU Summit kamakailan.
Bukod sa 100 percent electrification target, hangarin rin aniya ng kasalukuyang administrasyon na mapag-isa ang power grid ng Mindanao, Luzon at Visayas sa pagsapit ng 2022.
Paliwanag ni Cusi, prayoridad nila na matiyak na maisasaaos ang serbisyo ng kuryente sa bawat tahanan sa buong bansa at pagpapalakas ng suplay nito.
Upang maisakatuparan aniya ang mga proyektong may kinalaman sa enerhiya, pabibilisin din nila ang proseso ng pagkuha ng mga permit at mga kinakailangang dokumento.
Dapat din aniyang mabigyan ng mga kaukulang incentives ang mga papasok sa energy sector projects tulad ng exemption sa real property tax at iba pa upang makaengganyo ng mas maraming investors.