Edgar Matobato, ipinaaaresto na ng korte sa Davao
Naglabas na ng warrant si Judge Silverio Mandalupe ng Regional Trial Court Branch 3 sa Davao para arestuhin ang confessed killer na si Edgar Matobato.
Ang pag-aresto kay Matobato ay may kinalaman sa kasong illegal possession of firearms na isinampa sa laban sa kaniya dalawang taon na ang nakalilipas.
Inilabas ang arrest warrant isang araw matapos siyang hindi makapunta sa kaniyang arraignment.
Isinampa ang nasabing kaso laban kay Matobato noong 2014 nang siya ay maaresto dahil sa pagdadala ng hindi lisensyadong cal. .45 na pistol.
Nakapag-pyansa na noon si Matobato ng P2,000 ngunit dahil hindi siya nakadalo sa arraignment, naglabas muli ang korte ng warrant of arrest laban sa kaniya.
Samantala, sinabi naman ni Sen. Antonio Trillanes IV na isang motion for reconsideration ang agad na inihain kung saan nila ipinaliwanag na kaya hindi nakadalo sa arraignment si Matobato dahil sa pagdinig ng Senado sa extrajudicial killings.
Kaduda-duda aniya ang timing ng arraignment lalo’t dalawang taon nang nakabinbin ang nasabing kaso, at itinaon pa ito sa mismong araw ng pagharap ni Matobato sa Senado bilang testigo.
Humingi aniya sila ng pang-unawa dahil hindi naman sinasadya ang hindi pagpunta ni Matobato sa nasabing hearing.
Si Matobato ay kasalukuyang nasa kustodiya pa rin ni Trillanes upang mabantayan ang seguridad nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.