‘Shake drill’: Metro Manila, tinamaan ng 7.2 Magnitude na lindol

July 30, 2015 - 12:19 PM

PDI, Inq Radyo photos
PDI, Inq.net and Radyo Inquirer photos

Mga gumuhong gusali at bahay, nagbagsakang debris, nasunog na sasakyan, nasunog na gusali, mga nasugatan at mga nasawing indibidwal.

Ito ang eksena ilang minuto matapos ang kunwari ay pagtama ng Magnitude 7.2 na lindol kung saan Intensity 8 ang pinakamalakas na naramdaman.

Ilang minuto matapos ang pagtunog ng serena at mga kampana na hudyat ng pagsisimula ng earthquake drill, lumantad na ang mga eksena at scenario ng matinding pinsala na dulot ng pagyanig.

Ayon sa Bureau of Fire Protection 480 na insidente ng sunog ang sabay-sabay na nangyari sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila matapos ang kunwaring pagyanig.

Dinala ang mga kunwaring nasugatan sa VMMC sa Quezon City, sa Villamor Airbase, Sa Intramuros Maynila, sa LRT 2 Depot sa Santolan, Pasig City at sa ASEANA sa Macapagal Avenue.

Sm Megamall inq
SM Megamall / Inquirer photo

Sa LRT 2 depot, 30-minuto makalipas ang kunwaring pagyanig umabot na sa sampu ang naitalang nasawi. May bahay din na gumuho kung saan na-trap ang isang pamilya. Tatlo ang nai-rescue mula sa nasabing bahay habang isa naman ang nasawi.

Sa evacuation site sa VMMC, 15 ang natialang kunwaring nasawi, 36 sa mga nasugatan ang dinala sa pagamutan at may 49 na sa site na lamang gagamutin.

Sa ASEANA at Villamor Airbase, sunod-sunod ang pag-alis at paglapag ng mga chopper sakay ang mga kunwaring nasugatan.

Nakilahok din ang mga tanggapan ng gobyerno sa pangunguna ng Malakanyang pero hindi pinayagan ang mga mamamahayag na makunan ng camera si Pangulong Aquino habang nakikisali sa drill.

Kamara Isa
Session Hall sa Kamara / Isa Umali

Sa senado na pinatayan ng suplay ng kuryente matapos ang kunwaring pagyanig, nakiisa naman ang mga empleyado.

Sa mababang kapulungan ng kongreso ang mga empleyado din ng kamara ang gumanap bilang mga mambabatas na nagsasagawa ng sesyon nang maganap ang lindol. May gumuhong bahagi ng session hall at may totoong pag-usok matapos ang kunwaring pagyanig.

Matapos ito ay agad inilabas ng gusali ang mga nasugatan na kongresista at mga empleyado ng kamara. 20 ang agad na naitalang kunwaring nasawi kabilang ang 8 mambabatas sa kamara at may 50 na sugatan.

Sa sangay naman ng hudikatura, nakilahok mismo sa drill ang mga mahistrado ng Korte Suprema at Court of Appeals. Naging mahigpit din ang mga gwardya ng Supreme Court sa pag-aatas sa mga empleyado na lumabas ng gusali at magtungo sa kalapit na Paco Park.

Matapos ang scenario ng pagguho ng gusali sa SC mayroong dalawang kunwaring nasawi./ Ricky Brozas, Erwin Aguilon, Jan Escosio, Ruel Perez, Alvin Barcelona, Isa Avendaño-Umali

TAGS: Metro Manila Earthquake Drill, Metro Manila Earthquake Drill

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.