Napalitan nang unit ng Galaxy Note 7, umusok pa rin; biyahe ng eroplano naantala

Samsung Galaxy note 7Pinatigil ang biyahe ng isang Southwest Airlines flight bago pa man ito mag-takeoff matapos umusok ang Samsung Galaxy Note 7 ng isa sa mga pasahero habang nasa loob ng eroplano.

Sa inilabas na written statement ng airline, nakasaad na lahat ng sakay ng Flight 994 na patungong Baltimore ay agad na pinababa sa eroplano matapos mabatid ang pangyayari.

Ayon kay Brian Green, ang may-ari ng smartphone, bigla na lamang umusok ang kanyang Samsung Note 7 matapos niya itong gamitin sa loob ng eroplano.

Dalawang linggo na aniya ang nakalilipas nang palitan ng Samsung ng panibagong unit ang kaniyang smartphone dahil sa problema nito sa baterya, gayunman, umusok pa rin ang ipinalit na unit.

Matatandaang ipinag-utos ng Samsung ang global recall sa Galaxy Note 7 matapos mapaulat na nasusunog ito habang naka-charge.

Sa inilabas naman na pahayag ng Samsung, nakasaad na aalamin nila kung ang umusok na smartphone ay ang replacement unit ng kanilang Note 7.

Ngayon ay nakikipag-ugnayan na ang Samsung sa Southwest airline para ma-recover ang naturang device at mapaimbestigahan ang insidente.

 

Read more...