Walang balak ang Estados Unidos na patulan ang mga maaanghang na pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa kanila.
Ayon kay US State Department spokesman Mark Toner, ayaw naman niyang mauwi lang sila sa gantihan ni Duterte, kaya ang masasabi lang niya ay matibay pa rin sa ngayon ang relasyon sa pagitan nila at ng Pilipinas.
Ngunit bagaman hindi nila papatulan ang mga banat sa kanila ni Duterte, tiniyak ni Toner na wala pa rin silang palalampasin oras na may makita o marinig silang kapani-paniwalang alegasyon ng pang-aabuso sa karapatang pantao.
Gayunman, iginiit pa rin ni Toner na mahalaga sa kanila ang relasyon ng US at Pilipinas, lalo na’t ilang dekada nang naging magkasangga ang dalawang bansa.
Sa kabila aniya ng mga lumalabas na pahayag at komento, naniniwala silang matibay pa rin ang pundasyon ng ugnayan ng dalawang bansa.
Samantala, minsan nang ipinahayag ng pangulo na kung hindi kakanselahin, nais niyang ipa-review sa Senado ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa pagitan ng Pilipinas at US, pero hindi pa alam ng Malacañang kung paano ito uumpisahan.
Ayon kay Senate Majority Leader Vicente Sotto III, maari namang ipasa ni Duterte sa Senado ang EDCA upang sila na ang mag-review nito, lalo’t ilang senador rin ang nais na muli itong siyasatin.
Hindi nga lang nakatitiyak si Sotto kung maari bang sarilinin ni Duterte ang desisyon kaugnay dito.
Ayon naman kay Senate President Koko Pimentel, ang EDCA ay isang pormal na kasunduan at ang paraan para kanselahin ito ay nakasaad din sa mismong kasunduan.
Kailangan lang aniyang sundin na lamang ng Senado kung ano ang mga hakbang na nakasaad dito, kaakibat ng notice mula sa Executive branch partikular na sa Department of Foreign Affairs, Department of National Defense o mismong mula sa pangulo.
Gayunman, hindi naman magkasundo sina Pimentel at Sotto sa partisipasyon ng Senado sa pag-kansela ng EDCA dahil naninindigan si Pimentel na ang ganitong kasunduan ay dapat dumaan sa Senado, habang iginiit naman ni Sotto na isa itong executive agreement na hindi na kailangan ng ratipikasyon ng mataas na kapulungan.