Interpretasyon ng media sa mga pahayag ni Duterte, hindi dapat literal – Palasyo
“Gamitin niyo ang inyong imahinasyon.”
Ito ang payo ng Presidential Spokesperson Ernesto Abella sa media kaugnay sa mga binibitiwang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagiging laman ng mga balita.
Partikular na ipinahayag ito ni Abella nang linawin niya ang pahayag ng pangulo tungkol sa plano niyang pagputol sa ugnayan ng Pilipinas at Amerika.
Ayon kay Abella, hindi dapat gawing literal ng mga kawani ng media ang interpretasyon sa mga pahayag ng pangulo.
Kailangan aniyang matuto ang media na intindihin ang mga pahayag ni Duterte sa halip na literal itong ibalita sa publiko.
Paliwanag pa ng tagapagsalita ng pangulo, maituturing lamang na policy statement ang mga pahayag ni Duterte kung susundan ito ng “official action,” dahil karamihan sa mga ito ay “expressions of frustrations” lamang.
Samantala, pumalag naman dito ang pinuno ng Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR) dahil hindi na aniya trabaho ng media na gamitin ang kanilang imahinasyon sa pagbabalita.
Ayon kay CMFR chairman Vergel Santos, ang problema talaga ay maging ang mga tauhan ng pangulo ay hindi maintindihan si Duterte.
Lagi na lang aniya ang media ang napagbubuntunan ng galit ng mga taga-suporta ni Duterte, gayong ibinabalita lang naman ng mga ito kung ano ang lumalabas sa bibig ng pangulo.
Ipinapahayag lang aniya ng media kung ano ang mga sinabi ni Duterte, at hindi na dapat kailangan pang pumunta ng mga mamamahayag sa kung sino para lang bigyan ito ng interpretasyon.
Gayunman aminado naman si Santos na dapat ginagamit ng mga mamamahayag ang kanilang sariling diskresyon sa pagpili kung ano ba ang dapat o hindi dapat ibalita.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.