War games ng Pilipinas at Amerika, tuloy pa rin
Nagsimula na kahapon ang PHIBLEX o Phil Amphibious Landing Exercise sa pagitan ng mga tropang Amerikano at Pilipinas.
Ito’y sa kabila ng mga maaanghang na salitang binitiwan ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa Amerika, pati na ang pahayag niyang ito na ang magiging huling joint military exercise sa pagitan ng dalawang bansa sa kaniyang termino.
Ayon kay Philippine Marines Spokesperson Capt. Ryan Lacuesta, pinangunahan mismo nina PHIBLEX exercises director BGen. Maximo Ballesteros, 3rd marine Expeditionary Brigade commanding general BGen. John Jansen at Philippine Marines commandant Major Gen Andrei Costales ang seremonya para sa pagbubukas ng PHIBLEX.
Gaganapin ang mga exercises sa Clark Air base sa Pampanga, Ternate Cavite, Crow valley sa Tarlac, San Antonio, Zambales, Palawan, Cagayan at ilang lugar sa Northern Luzon.
Sesentro sa tatlong major events ang PHIBLEX kabilang dito ang command post exercises, field training at humanatarian civic action.
Makikilahok sa mga aktibidad na ito ang 1,400 na mga sundalong Amerikano at 500 mga sundalong Pilipino.
Ayon kay Jansen, dinisenyo ang mga exercises upang mas patibayin at palakasin pa ang kakayanan ng magkabilang pwersa pagdating sa disaster relief at regional security.
Naniniwala naman si Costales na sa pamamagitan ng pagkakaroon ng iisang “vision of integration and interoperability,” maipapakita ng magkabilang panig ang kanilang malakas na pagkakaisa at pagkakaibigan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.