‘Go to Hell’ statement ni Pres. Duterte, laman muli ng international media

 

Inquirer file photo

Laman muli ng international media ang pinakahuling banat ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa Estados Unidos at European Union.

Matatandaang kahapon, sa kanyang talumpati sa mga lokal na opisyal at mga business executives sa Makati City, nagbitiw muli ng mga maanghang na salita si Pangulong Duterte kontra kay US President Barack Obama at EU.

“Instead of helping us, the first to criticize is this State Department, so you can go to hell, Mr. Obama, you can go to hell,” mensahe ng Pangulo.

Sunod namang binanatan ni Duterte muli ang European Union sa pagsasabing: “Better choose purgatory, puno na sa impyerno.”

Sa mga artikulo ng CNN International, NBCnews.com at CBSnews.com, binanggit ang mga panibagong banat ni Pangulong Duterte at ang banta nitong tuluyang kakalas sa Amerika.

Direkta ring ginamit ang ‘Go to Hell’ statement ng pangulo sa kanilang mga headline.

Matatandaang nakapukaw sa atensyon ng international media ang biglang paglobo ng bilang ng mga napapatay sa Pilipinas na may kinalaman sa droga matapos maupo bilang pangulo si Duterte.

Nang punahin naman ng Amerika at European Union ang mga kaso ng extrajudicial killings sa bansa, dito na nagsimulang mag-init ang pangulo at gumanti sa pamamagitan ng mga insulto at mura samga bumabatikos sakanyang istilo ng paglaban kontra droga at kriminalidad.

Read more...