Maagang nag-text blast ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa isasagawang Metro-wide shake drill.
Pasado alas singko ng umaga sinimulan na ng MMDA ang pagpapadala ng text sa publiko para manghikayat na makilahok sa gagawing earthquake drill sa buong metro manila simula alas 10:30 ng umaga.
Nakasaad sa text message na sa pagsisimula ng shake drill ang lahat ay hinihikayat na magsagawa ng “drop, cover at hold” sa loob ng 45 segundo. “Participate in the Metro Manila Earthquake/Shakedrill that starts at 1030AM today. ‘Drop, cover and hold for 45 seconds.’ Be Safe.” Ayon sa text mula sa MMDA.
Sa Intramuros golf course sa Maynila, Villamor golf course, VMMC golf course sa Quezon City at LRT Santolan depot sa Pasig City, maaga pa lamang ay nakapwesto na ang mga rescuers at volunteers.
Maaga rin ang preparasyon sa ASEANA sa Macapagal Avenue na pagdadalhan ng mga kunwari ay nasugatan at nasawi sa drill. May malalaking screens sa ASEANA kung saan nakikita ni MMDA Chairman Francis Tolentino ang mga kaganapan sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila sa kasagsagan ng drill.
Ang mga lokal na pamahalaan ay may kani-kaniyang abiso ng road closures para sa isasagawang shake drill.
Sa Las Piñas City, ilang minuto bago mag-alas 10:30 ng umaga pahihintuin ang daloy ng trapiko sa kahabaan Zapote-Alabang Road at ilang bahagi ng Quirino Avenue sa Pulanglupa. Patitigilin ang mga sasakyan mula sa Zapote junction hanggang sa bahagi ng Perpetual Help Medical Center at sa Quirino Avenue mula Zapote hanggang Pulanglupa 1.
Sa Mandaluyong City mula 10:30 ng umaga, isasara ang Aglipay Street, Boni Avenue, 9 de Pebrero, Barangka Drive, Kalentong at Pioneer Street. Muling bubuksan ang nasabing mga kalsada alas 11:30 ng umaga.
Sa traffic advisory naman ng Marikina City Government, isasarado ang mga sumusunod na lansangan mula alas 10:15 ng umaga: JP Rizal corner W.Paz, Sta Elena; Shoe Ave. corner W.Paz, Sta Elena; JP Rizal corner V. Santos, Sto. Niño; E. Gonzales St. corner JP Rizal, Concepcion Uno; entrance ng Riverbanks Mall sa Barangka; FVR Road; Cirma St.; at Jesus dela Peña.
Sa Maynila, alas 9:00 ng umaga sarado na ang kahabaan ng MH del Pilar mula Pedro Gil hanggang San Andres, kahabaan ng Mabini mula rin sa Pedro Gil hanggang San Andres at kahabaan ng Roxas Boulevard service road mula Pedro Gil hanggang San Andres.
Sa Valenzuela City, sarado mula 10:30 ng umaga ang Mc Arthur Highway mula sa C.J Santos St. hanggang sa Maysan Road.
Lahat din ng tanggapan ng gobyerno ay kasamang makikilahok sa drill./ Dona Dominguez-Cargullo, Ricky Brozas, Erwin Aguilon
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.