Legal team para sa same-sex union bill binuo ng kamara

By Isa Avendaño-Umali October 04, 2016 - 08:14 PM

Roman-Alvarez
Photo: Isa Umali

Bumuo na si House Speaker Pantaleon Alvarez ng isang legal team na tututok sa pag-aaral hinggil sa mga aspeto ng same-sex civil union o same sex partnership.

Sa isang press conference, kinumpirma ni Bataan Rep. Geraldine Roman na batay sa pulong nila ni Alvarez kamakailan ay nais nitong pag-aralan ang lahat ng formula ukol sa legal na pagsasama ng mga indibidwal na pareho ang kasarian.

Halimbawa aniya dito ang karapatan ng bawat isa sa ilalim ng civil union, at isyu ng hatian ng mga ari-arian at posibilidad ng pag-aampon ng bata.

Malaki ang pasasalamat ni Roman kay Alvarez dahil naglakas-loob umano siya na isulong ang isang kontrobersyal na panukala.

Agad naman nilinaw ni Roman na hindi nila gagamitin ang salitang ‘same-sex marriage’ kundi same-sex civil union o partnership.

Ayon kay Roman na kauna-unahang transgender legislator sa bansa, pabor siya sa naturang konsepto at hindi umano siya magiging hypocritical sa isyu.

Ito’y dahil civil rights ang ipinaglalaban dito kaya labas sa aspeto ng religious beliefs.

Dagdag ni Roman, hayaan muna na maihain ang panukala kaya huwag munang agad-agad na maghusga.

Nang matanong naman hinggil sa inaasahang malakas na pagkontra ng simbahan sa same-sex civil union, sinabi ni Roman na ipinauubaya na niya ito sa publiko.

TAGS: Alvarez, Congress, roman, same-sex union, Alvarez, Congress, roman, same-sex union

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.