Kasong graft ni ex-Sen. Lito Lapid, ibinasura ng Sandiganbayan
Pinagbigyan ng Sandiganbayan 1st Division ang hiling ni dating Senador Lito Lapid na mabasura ang kasong graft na inihain laban sa kanya kaugnay ng umano’y pagkakasangkot sa fertilizer fund scam.
Ito’y dahil sa sobrang pagkaantala ng paghahain ng kaso ng Office of the Ombudsman.
Kinatigan ng Sandiganbayan ang argumento ni Lapid na nalabag ang kanyang karapatan sa speedy trial makaraang abutin ng 5 taon ang field investigation office ng Ombudsman o mula 2006 hanggang 2011 bago naisampa ang reklamo.
At kahit meron na anyang resolusyon noong 2014, inupuan ito ng Ombudsman bago pormal na naihain ang kaso sa korte noong October 8, 2015.
Dahil dito’y umangal ang kampo ng dating Senador na mahihirapan na itong ipagtanggol ang sarili sa korte.
Nag-ugat ang kaso sa umano’y overpriced na liquid fertilizer na binili ng lokal na pamahalaan ng Pampanga sa ilalim ng termino ni Lapid.
Bukod kay Lapid, nabasura din ang kaso laban sa mga kapwa akusado nito na sina Ma. Victoria Aquino-Abubakar, Leolita Aquino at Dexter Alexander Vasquez.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.