Mas matinding epekto ng El Niño ang mararanasan sa bansa sa buwan ng Oktubre.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), pinakamatinding epekto ng El Niño sa nakalipas na 17 taon sa kasaysayan ng bansa ang mararanasan sa nasabing buwan.
Sinabi ni Anthony Lucero ng PAGASA Climate Monitoring and Prediction Section, may mga indikasyon na ang El Niño na mararamdaman sa Oktubre ay mas malakas at mas matindi kaysa sa epekto ng 1997 El Niño.
Magkakaroon aniya ng below normal rainfall conditions. Aasahan din ang “peak” ng tagtuyot sa November hanggang sa Enero ng 2016.
Mula sa ‘weak intensity’ na naitala noong March hanggang June, sinabi ni Lucero na nakikita nilang mapapantayan o maaring mahigitan pa ng El Niño ngayong taon ang naranasang matindining tagtuyot noong 1997 at 1998 .
Sinabi ni Lucero na ngayon pa lamang ay kailangang maging handa na ang publiko sa magiging epekto ng tagtuyot./ Dona Dominguez – Cargullo