Mark Anthony Fernandez: “ tinaniman ako ng marijuana”

By Ricky Brozas October 04, 2016 - 03:47 PM

Mark Fernandez
Photo: Ricky Brozas

Tahasang itinanggi ng aktor na si Mark Anthony Fernandez o Mark Anthony Lacsamana sa tunay na buhay na sa kanya ang halos isang kilong marijuana na nakuha ng mga pulis sa kanyang sasakyan sa Angeles City, Pampanga pasado alas nueve kagabi.

Sa panayam ng media, inamin ng aktor na may dala nga siyang marijuana pero hindi aniya ganoon karami base sa ibinibintang sa kanya ng mga pulis.

Ang dala umano niya ay kaunti lamang at para lang sa personal consumption bilang gamot sa kanyang karamdaman pero hindi naman nito masabi kung anong klaseng sakit mayroon siya.

Pahayag ng 37-anyos na aktor, itinanim lamang sa kanya ng mga pulis ang naturang droga na ayon sa kanya ay nabili niya sa isang alyas “Francis”.

Inamin din nito na dalawang beses na siyang nagtutungo sa Brgy. Birhen delos Remedios para bumili ng Marijuana.

Malakas aniya ang loob niya na mag-ingat ng naturang droga dahil ligal naman iyon sa ibang bansa.

Pero sa hiwalay na panayam kay Police Chief Inspector Francisco Guevara Jr. ay kanyang sinabi na habang nagsasagawa sila ng visual search sa sasakyan ni Fernandez nang parahin nila ito sa isang checkpoint ay nakita umano ng isa sa kanyang mga tauhan ang bag na nakabukas sa passenger seat na naglalaman ng marijuana.

Dito na umano ipinaharurot ng aktor ang kanyang kotse na isang kulay dilaw na Ford Mustang hanggang sa nagkahabulan at umabot sila sa bahagi ng San Fernando Pampanga.

Sa isinagawa namang inspection kanina sa loob ng kotse ng aktor ay nakuha ang ilang mga dala-dalang gamit nito tulad ng pasaporte, attache case at maraming iba pa.

Sinabi ni Guevara na kanina lamang ay maraming mga text message ang ipinadala sa kanya ng ilang mga residente ng Brgy. Birhen de Los Remedios na nagsasabing madalas umanong mamataan doon si Fernandez at pinatunayan naman ito ng ilan sa mga residente ng nabanggit na lugar.

Samantala, base sa resulta ng drug test ay nagpositibo ang aktor sa paggamit ng marijuana substance pero negatibo naman siya sa shabu.

Dahil dito sasampahan ng kasong paglabag sa dangerous drugs act of 2002 ang aktor.

Namataan naman sa Station 6 ng Angeles City PNP kung saan nakapiit ang aktor ang dating misis nito na si Melissa.

TAGS: Marijuana, mark anthony fernandez, PNP, Marijuana, mark anthony fernandez, PNP

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.