Suspendido ‘until further notice’ ang hearing sa senado ukol sa extrajudicial killings matapos ang mahigit 13-oras na pagdinig kagabi at ang matensyong huling bahagi nito.
Dakong alas 11:00 ng gabi Lunes, napilitan si Senador Richard Gordon na chairman ng committee on justice and human rights na suspendihin ang naturang pagdinig.
Sa halip, magsasagawa muna ng ‘caucus’ ang mga senador ngayong araw upang talakayin kung itutuloy pa ang pagdinig o hindi na.
Matatandaang bago magtapos ang hearing, nagtalu-talo sina Gordon, De Lima at ilan pang senador dahil hindi umano sinabi ni De Lima na may kasong kinaharap si Edgar Matobato sa NBI dahil sa pagdukot sa isang Sali Makdum noong 2002.
Iginiit naman ni De Lima na hindi niya itinago ang impormasyon dahil mismong si Matobato na ang nagsiwalat nito sa pagdinig noong Setyembre.
Nag-init din ang ilan pang mga mambabatas na miyembro ng komite nang mapag-alamang umalis nang walang paalam ang self-confessed Davao Death Squad member na si Matobato sa Senado kahit hindi pa tapos ang pagdinig.