Patuloy na kinakalap ng mga Air Safety Investigators sa Reunion Island sa France ang ilang piraso ng debris na pinaniniwalaang bahagi ng isang Boeing 777 aircraft.
Sinabi ng mga imbestigador na maaaring ang naturang mga piraso ng eroplano ay bahagi ng nawawalang Malaysian Airlines Flight 370 na nawala noong March 8, 2014. Kaaalis pa lamang ng Kuala Lumpur Malaysia papuntang Beijing China ang nasabing eroplano nang mawala ito sa radar ng control tower.
Mula noon ay hindi na nakita ang naturang eroplano na may lulang 390 na katao na ipinapalagay na pawang mga patay na.
Ang Malaysian Transport Ministry ay nagpadala na ng kanilang mga tauhan sa France para saksihan ang ginagawang retrieval operations sa lugar.
Kabilang sa mga nakitang debris ay bahagi ng flap at pakpak ng isang Boeing 777 plane.
Magugunitang naging misteryo sa larangan ng aviation industry ang biglaang pagkawala ng flight MH370 kung saan ay nagtulong-tulong pa ang maraming mga bansa sa pagsuyod sa mga karagatan para lamang hanapin ang naturang Malaysian Airline./ Den Macaranas