House Speaker Alvarez aminadong dismayado sa daloy ng trapiko
Kahit dikit at magka-alyado sa politika, hindi lubos na kuntento si House Speaker Pantaleon Alvarez sa unang isang daang araw ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Malakanyang.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Alvarez na malaki naman ang mga nagawa ng administrasyon sa unang 100 days nito at halos katumbas na ito ng isang buong taon.
Kabilang na aniya sa mga nagawa ng Duterte government ay ang 50 percent na pagpapababa sa kriminalidad at matinding paglaban sa ilegal na droga sa bansa.
Subalit ani Alvarez, wala pa rin siyang nararamdamang improvement sa problema sa trapiko partikular sa Metro Manila at Metro Cebu.
Bukod sa malalang trapiko, problema pa rin aniya ang railway system dahil hanggang ngayon ay may mga tumititik pa rin o aberya sa mga tren ng MRT o LRT.
Ani Alvarez, marami pang dapat na isulong at gawin ang administrasyon upang ma-address ang Metro Manila traffic at railway problem.
Sa kabila nito, ipinaalala ni Alvarez na hindi lamang tungkulin ng national government ang pagresolba sa trapiko kundi maging ng mga lokal na pamahalaan.
Pagdating naman sa ekonomiya sa unang isang daang araw ng Duterte administration, sinabi ni Alvarez na masyado pang maaga na magkomento.
Samantala, sinabi ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas na sa unang isang daang araw ng Kamara ay may ilang achievements na nagawa ang Kapulungan tulad ng pagpasa sa panukalang pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections at roll call tuwing may sesyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
