Miss Universe sa Pinas tuloy – DOT

pia-and-duterte
Inquirer file photo

Itinanggi ng Department of Tourism ang balitang kinansela na ang pagsasagawa ng Miss Universe pageant sa Pilipinas sa buwan ng Enero, 2017.

Ayon kay DOT Undersecretary Kat De Castro, nagpapatuloy pa rin ang kanilang pulong sa Miss Universe Organization kung kaya’t walang katotohanan ang naturang balita,

Maigi aniya kung hintayin na lamang ang official announcements mula sa Miss Universe Organization at huwag nang magpakalat ng mga balitang wala naman katotohanan.

Itinanggi rin ni De Castro na isang pahiwatig ang kanyang post sa Facebook na ukol sa pag-iyak na naka-tag pa si reigning Miss Universe Pia Alonzo Wurtzbach.

Naging palaisipan kasi ito sa netizens na baka totoo nga na hindi na gaganapin sa Pilipinas ang Miss Universe pageant sa susunod na taon.

Sinabi din ng DOT na isang team mula sa Miss Universe Organization ang nagpunta sa bansa noong nakaraang linggo at nagsagawa ng ocular inspections sa mga posibleng pag-ganapan ng pageant activities at events.

Kabilang sa mga binisitang lugar ay ang Vigan, Palawan at Cebu.

Una nang inihayag ng kagawaran na gaganapin ang Miss Universe Coronation Night sa Mall of Asia Arena sa Pasay City sa January 30, 2017.

Read more...