SPO3 Lascañas: “Hindi ako malakas kay Duterte”

By Den Macaranas, Jan Escosio October 03, 2016 - 03:22 PM

Lascanas01Naging emosyonal si SP03 Arthur Lascañas nang tanungin siya sa Senado kung talaga bang malakas siya kay dating Davao City Mayor at ngayo’y Pangulong Rodrigo Duterte.

Mariing itinanggi ni Lascañas ang nasabing alegasyon na nauna nang inilutang sa Senado ng self-confessed Davao City Death Squad (DDS) hitman na si Edgar Matobato.

Ipinaliwanag ng nasabing pulis na kung talagang malakas siya kay Duterte ay hindi sana napatay ng kanyang mga kasamahan sa Davao City Police Office ang dalawa sa kanyang mga kapatid.

Aminado si Lascañas na nasangkot sa droga ang kanyang mga kapatid na napatay ng mga pulis sa Davao City.

Dumating din daw ang pagkakataon na kailangan niyang sumailalim sa dialysis kaya pinag-aplay niya ng trabaho sa Davao City Hall ang kanyang anak bilang nurse pero hindi ito tinanggap at dumanas pa umano ng pang-iinsulto.

Sinabi pa ni Lascañas na ang alam lang niyang dahilan kung bakit siya idinidiin ni matobato sa mga kaso ng extra judicial killings ay ang naging hidwaan nila noong araw.

Nagkasama umano sila ni Matobato sa isang pagnenegosyo ng kopra pero nagkagalit sila makaraang kumulekta ng pera ang kanyang kasosyo gayung wala namang ibinibigay na produkto.

Ilang bese umano niyang nasigawan at namura si Matobato na maaari umanong dahilan kaya ito nagtanim ng galit sa kanya.

Sinabi rin ni Lascañas na posible rin na pulitika ang nagtulak kay Matobato para sirain ang kanyang pangalan na pilit namang iniuugnay kay Duterte.

Sa pagdinig ng Senado ay ilang beses na sinabi ni Lascañas na puro paninira lamang ang pagkakaugnay niya sa DDS at ang tanging totoo lamang umano sa mga sinabi ni Matobato ay ang kanyang sariling pangalan.

TAGS: dds, duterte, extra judicial killings, lascañas, matobato, dds, duterte, extra judicial killings, lascañas, matobato

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.