P27M na halaga ng allowance na tinanggap ng 31 MWSS officials, ipinasasauli ng COA
Inatasan ng Commission on Audit (COA) ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na isauli ang P27 million na halaga ng unauthorized allowances na ibinigay sa 31 opisyal ng nasabing ahensya noong 2012.
Sa desisyon ng COA, idineklara nitong final and executory na ang January 14, 2015 ruling ng Corporate Government Sector-Cluster director na nag-iisyu ng notices of disallowance (NDs) sa 31 opisyal ng MWSS.
Ibinasura lamang ng COA ang petition for review na inihain ng MWSS.
Sakop ng kautusan ang cost of living allowance, amelioration allowance at representation and transportation allowances na nai-release sa 31 opisyal noong 2012 na ayon sa COA ay excessive at walang basehan ang pagre-release.
Ayon sa COA, napasok na ang 180-day allowable period para sa paghahain ng apela noong Dec. 23, 2013 bago nakapag-petisyon ang mga opisyal ng MWSS.
Katwiran ng mga apektadong opisyal ng MWSS, “pressure of work” ang dahilan kaya hindi sila nakahabol sa deadline.
Pero ayon sa COA, ang panahon sa paghahain ng petition for review ay procedural rules na hindi dapat binabalewala.
Maliban sa huli nang paghahain ng apela, wala din umanong bagong isyu at argumento na naibigay ang mga MWSS officials at ang mga binanggit nila ay natalakay na noon pa ng COA.
Kabilang sa mga sakop ng pasya ng COA sina MWSS Deputy Administrator for Engineering and Operations Leonor C. Cleofas, Legal Services Department Manager Darlina T. Uy, Merilyn O. Ortha, Evangeline Dacanay, Loida Ceguerra, Lilia Rondario, Ma. Florita Inzon, Mario Rodrigo V. Sejera, Arturo M. Tuason, Jr., Grace C. Acosta, Stella A. Cruz, Arnulfo Agluba, Pedro Nool, Jr., Feliciano Talastas, Noel Yamzon, July Cajuigan, Veronica Cleofas, Edgardo Cordova, Salome Cuevas, Florencia Domagsang, Miriam Fulgueras, Erlina Isip, Iris Mendoza, Francisco Perez, Edna Roldan, Lilybeth Santos, Jocelyn Toledo, Marivic Ascan, Maria Mendoza, Editah De Guzman at Ramon Fabul.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.