Pag-iingay ng pangulo hinggil sa pagpatay sa mga adik, dapat ihinto ayon kay Gordon
Ang pag-iingay ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa pagpatay sa miyun-milyong mga adik sa bansa ang dahilan kaya nababanatan ng foreign media ang Pilipinas.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights, binanatan ni Senator Richard Gordon ang aniya ay pagiging “sobrang ingay” ng pangulo hinggil sa pagpatay sa mga adik.
Sinabi ni Duterte na dahil salita ng salita ang pangulo, napagbibintangan tuloy ang Pilipinas na marami ngang nagaganap na extra-judicial killings sa bansa.
“Kahit isa lang ang namatay na hindi na-solve ng pulis, ang tao matatakot. Kaya siguro itong foreign media, tinitira tayo. Una, maingay ang pangulo, sobrang ingay ng pangulo. He is falling on his own sword! Salita siya ng salita, napapagbintangan tuloy ang buong bansa na ganito ang nangyayari,” ayon kay Gordon.
Kaugnay nito ay hinimok ni Gordon si Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald Dela Rosa na bilisan ang imbestigasyon sa mga itinuturing nilang DUIs o death under investigation o iyong mga nasasawing hinihinalang biktima ng salvage.
Ito ay upang agad aniyang matuldukan ang mga hinalang biktima ang mga ito ng extra-judicial killings.
Sa datos na ibinigay ni Dela Rosa sa pagdinig ng senado, sa patuloy na mga operasyon kontra ilegal na droga, umabot na sa 23,474 ang naisasagawa nilang anti-drug operations, sa nasabingbilang 22,387 na ang naarestong drug suspects at 1,375 ang napatay.
Ani Dela Rosa, mayroong nasa mahigit 2,000 ang DUIs at 524 dito ang naresolba na ng PNP.
Ayon kay Gordon kung mabilis lamang ang kilos ng PNP- Internal Affairs Service sa pagsasagawa ng imbestigasyon, maiiwasana ng mga hinalang sinadya ang pagpatay sa mga drug suspects na nasa ilalim ng kaso ng DUIs.
Maging ang pagmumura ni Duterte ay hindi rin pinaligtas ni Gordon.
Aniya, bilang pangulo ng bansa, may tungkulin si Duterte na maging isang ‘statesman’ at hindi ito dapat nagmumura. “The president has a duty to be a statesman, he must not be heard saying bad words,”ani Gordon.
Nagbiro pa si Gordon na kung magpapatuloy ang pagmumura ng pangulo dapat baguhin na lang ang slogan sa turismo ng Pilipinas at gawing “Welcome PI!” o di kaya ay “Wow PI!”.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.