Magpapakalat ng nasa 300 tauhan ang Metro Manila Development Authority sa iba’t-ibang mga lugar sa Kalakhang Maynila simula ngayong araw upang buhayin muli ang kampanya kontra sa jaywalking, sidewalk vendor at iba pa.
Ayon kay Francis Martinez OIC ng MMDA Sidewalk Clearing Operations, kabilang sa mga lugar na tututukan ng mga naka-dilaw nilang mga tauhan ay ang Monumento, North Edsa, Quezon Avenue, Cubao, Ortigas, Shaw, Guadalupe at Edsa-Taft Ave.
Aniya, bukod sa mga lumalabag sa ordinansa ukol sa jaywalking, sisitahin din at pagmumultahin ang mga nagtatapon ng basura sa kung saan-saan.
Ang mga mahuhuli aniya na lumalabag sa jaywalking at pagtatapon ng basura ay pagbabayarin ng P500 o di kaya ay tatlo hanggang walong oras na community service.
Kung hindi aniya magbabayad o magpapakita sa kanilang takdang araw ng community service ang mga nahuli, maaring kasuhan sa korte ang mga ito at makasira sa kanilang rekord dahil ipaparating ang reklamo sa NBI at sa Bureau of Immigration.