Mahigit isang libong estudyante sa Zamboanga ang naospital dahil sa umano’y expired na gamot na pamurga.
Matapos ang isinagawang deworming program ng Department of Health (DOH) ay nakaranas ng pagsusuka, pananakit ng tiyan at pagkahilo ang mga estudyante sa mga lungsod ng Pagadian, Dipolog at Dapitan, sa mga bayan ng Zamboanga Sibugay, Zamboanga del Norte at Zamboanga Del Sur.
Ang deworming chewable tablet na ibinibay umano sa mga estudyante na “Albendazole” ay December 2012 pa expired.
Dahil sa dami ng pasyente, ang Zamboanga del Norte Medical Center (ZNMC) ay sa covered court na lamang inadmit ang ilang estudyante.
Sa ngayon, ang ibang naospital na estudyante ay nakauwi na matapos bumuti ang kalagayan.
Ang nasabing deworming activity sa Zamboanga ay bahagi ng paggunita ng DOH sa National Deworming Day, kung saan ang mga bata sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa ay binigyan ng libreng gamot pamurga.
Agad namang itinanggi ni Health Secretary Janette Garin na expired ang gamot na pamurga na kanilang ibinigay sa mga bata. Isang biglaang pulong balitaan ang ipinatawag ni Garin kagabi para pabulaanan ang naturang balita.
Ayon kay Garin, ang pagdadala sa mga bata sa mga pagamutan ay nag-ugat sa isang text message. Mayroon aniyang nagpakalat ng text na nagsabing may batang namatay matapos ang deworming program.
Isa ring larawan sa social media na nagpapakita ng expired na gamot at petsa nito ang kumalat ngunit ayon sa DOH, hindi nila matukoy kung sino ang nagpasimula nito. Dahil sa panic, marami na aniyang magulang ang nagsugod ng kanilang mga anak sa ospital.
Bagaman may bata aniyang nasawi, ito ay dahil sa sakit niya sa puso at walang kinalaman sa deworming activity ng DOH.
Hindi rin aniya totoong expired ang gamot dahil kakadeliver lamang ng mga ito.
Ang pagsuka ng ilang estudyanteng nasuka ayon kay Garin ay dahil sa maling pag-inom ng gamot. Sinabi ni Garin na nilunok kasi agad ng ibang estudyante ang gamot, gayung ito ay ‘chewable’ o dapat ay nginunguya muna.Ang mga naramdaman ng estudyante ay itinuturing ng DOH na “side-effects”./ Dona Dominguez-Cargullo, Gina Salcedo