Sen. Miriam, nailibing na

By Mariel Cruz, Ricky Brozas October 02, 2016 - 05:13 PM

 

Inquirer.net Photo
Inquirer.net Photo

Naihatid na sa kanyang huling hantungan si dating Sen. Miriam Defensor-Santiago sa Loyola Memorial Park sa Marikina City.

Hanggang sa huling sandali ng kanyang pananatili sa mundo ay nangibabaw ang pagiging “Iron Lady of Asia” si Santiago.

Daan-daang taga suporta ni Sen. Santiago ang nakiisa sa kanyang paglilibing bukod pa dito ang pamilya, malalapit na kaibigan at mga naka-trabaho sa pulitika.

Pawang naka-kulay pula ang damit ng mga volunteers na tumulong para maisaayos ang seguridad ng paghahatid sa senadora sa kanyang huling hantungan.

Pasado alas kwatro nang mailibing ang senadora sa tabi ng puntod ng kanyang anak na si Alexander Robert na namatay noong taong 2003.

Bago ang paglilibing, nagsagawa muna ng funeral blessing kay Santiago sa pangunguna ng rector ng Immaculate Conception na si Father Aris Sison.

Ginawaran din ang namayapang senadora ng 21-gun salute.

Matapos ang seremonya, sabay sabay na nagpalipad ng puting lobo at nagpakawala ng puting kalapati ang mga mahala sa buhay at taga suporta ni Sen. Santiago.

Maging ng Philippine Airforce ay nagsaboy din ng flower petals mula sa chopper para sa dating mambabatas.

Bago naman ihatid ang mga labi ni Santiago, isang funeral mass ang isinagawa sa Immaculate Conception Cathedral sa Cubao, Quezon City kung saan siya binurol.

Pinangunahan ito nina Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani at Bishop Honesto Ongtioco kung saan binigyang diin ang magandang halimbawa na iniwan ni Miriam na uukit sa puso ng mga Pilipino.

Ayon pa kay Bishop Bacani, bagaman kilala sa pagiging matapang ang senadora ay hindi naman matatawaran ang naiambag nito sa paghubog ng demokrasya sa bansa.

Hindi aniya sementeryo ang huling hantungan ng senadora kundi ang puso at isipan ng bawat Pilipino.

Ilan naman sa mga dumalo sa necrological mass ay ang mga kilalang personalidad tulad nina dating First Lady Imelda Marcos, anak-anakan ng senadora na si Heart Evangelista, ilan pa sa mga dating nakasama ni Santiago sa Senado at ang maybahay ng namayapang Chief Justice Renato Corona na si Cristina.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.