Miriam Defensor-Santiago, binigyang pugay ng mga kapwa pulitiko

By Kabie Aenlle September 30, 2016 - 05:15 AM

Mula sa Facebook page ni Sen. Miriam Defensor Santiago
Mula sa Facebook page ni Sen. Miriam Defensor Santiago

Ibinaba sa half-staff ang watawat ng Pilipinas sa Senado bilang pagluluksa sa pagpanaw ni dating Sen. Miriam Defensor-Santiago.

Kasabay nito, magkakahiwalay na binigyang pugay at inalala ng mga kapwa niya pulitiko ang dating senadora.

Nagpaabot ng kaniyang pakikiramay si Vice President Leni Robredo sa mga naiwang mahal sa buhay ni Santiago, at sinabing umaasa siyang magsisilbing inspirasyon sa mga kababaihan, kabataan at sa lahat ng Pilipino ang kaniyang buhay.

Inalala naman ni dating Vice President Jejomar Binay si Santiago na nakilala niya mula pa noong kolehiyo, na isang mapag-alaga at mabait na babaeng naging isa sa mga magagaling na leader ng bansa dahil sa kaniyang disiplina at katalinuhan.

Para naman kay dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph Estrada, sumalamin ang kaniyang mga opinyon, interpelasyon at talumpati sa kaniyang angking katalinuhan at pagka-bihasa sa batas at Konstitusyon.

Ito rin ayon kay dating House Speaker Quezon City Rep. Feliciano Belmonte Jr. ang kaniyang mami-miss sa senadora, na nagbigay ng karangalan sa bansa sa pamamagitan ng pagiging kauna-unahang Asian elected judge sa International Criminal Court.

Itinuturing naman ni House Deputy Speaker at dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na magandang halimbawa ng katapangan, katalinuhan at dedikasyon sa serbisyo publiko at mabuting pamamahala ang naging buhay ni Santiago, na ayon kay Sen. Franklin Drilon ay hindi kayang pantayan ng sinumang senador.

Sa isa namang pahayag, nakiisa ang Korte Suprema sa buong bansa sa pag-alala kay Santiago na kinilala nila sa kaniyang mga mahahalagang naiambag sa batas.

Dahil kilala si Santiago sa pag-walkout sa tuwing siya ay naiinis sa mga deliberasyon sa Senado, para kay Sen. Alan Peter Cayetano, ang pagpanaw ng senadora ay ang kaniya nang “final walkout.”

Pero ani Cayetano, tulad ng kaniyang mga walkout, ang kaniyang pagpanaw ay “productive, it was always lasting, and it always sent us a message.”

Ayon naman kay House Speaker Pantaleon Alvarez, nawalan ang bansa ng pinakamatapang na tagapagtanggol at pinaka-kinatatakutang taga-sulong ng kampanya laban sa katiwalian.

“End of an era” naman para kay Rep. Teddy Baguilat ang nangyari, at hinding-hindi siya malilimutan sa kaniyang henerasyon.

Hindi naman malilimutan ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate ang mga “witticisms” ni Santiago na aniya’y master sa ‘hugot lines.’

Dahil minsang napag-initan ni Santiago, sinabi naman ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre II na pinagsisisihan niyang hindi siya nagkaroon ng pagkakataon na makipag-ayos sa senadora.

Pero kung itinuon ng mga pulitiko ang kanilang pagkilala kay Santiago sa kaniyang naging paninilbihan sa bayan, isang simpleng mensahe naman ang ipinarating ng kaniyang pamangkin at dating mambabatas na si Michael “Mike” Tan Defensor.

Sa kaniyang post sa Facebook, pinasalamatan niya si Santiago sa hindi pag-iwan sa kaniya sa mga panahon na kailangan niya ito, pati na sa kabaitan ng tiyahin lalo na sa kaniyang mga anak.

“Thank you for being there when I needed it most. For your kindness especially with my daughters. We will miss you,” ani Defensor.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.