Scenario sa 3rd nationwide earthquake drill: nabitak na lupa, na-trap sa ospital at gusali, at sumabog na LPG

By Jan Escosio September 28, 2016 - 12:44 PM

Kuha ni Jan Escosio
Kuha ni Jan Escosio

Sa kabila ng malakas na buhos ng ulan naging matagumpay ang pagdaraos ng 3rd Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill na ginanap sa Southwoods City, Biñan Laguna.

Eksaktong alas 9:00 ng umaga nang magsimula ang drill sa pamamagitan ng pagtunog ng mga sirena.

Matapos ang kunwaring paggalaw ng west valley fault sa bahagi ng Juana Subdivision, agad na inilikas ang mga residente at mag-aaral ng katabing St. Francis of Assisi College sa pangunguna ng mga Homeowners Association at barangay officials.

Kasunod nito ay ang iba’t ibang senaryo gaya ng pagsabog ng LPG tank sa isang bahay, ang pagguho ng bahagi ng paaralan at katabing apartment.

Gayundin ang pagkakaroon ng hazardous material explosion malapit sa isang gasolinahan.

Nirespondehan din ng mga pulis, bumbero, coast guard personnel ang mga kunwari ay na-trap sa Unihealth Southwoods Hospital, sa construction site ng isang ginagawang mall at condominium building at may senaryo din kung saan nabitak ang lupa na kinailangan pang gumawa ng makeshift bridge para sa rescue operations.

Naging maayos din ang proseso sa pagsuri ng medical workers sa mga nasugatan.

Kinailangan na lagyan ng colored ribbon ang mga sugatan para malaman kung gaano kagrabe ang tinamo nilang pinsala sa katawan.

Yellow ribbon para sa minor injuries, orange para sa serious at red naman para sa kritikal ang kondisyon.

Ang mga sugatan ay inilipat sa isang itinayong makeshift hospital habang hinihintay ang pagdating ng ambulansya na maglilipat sa kanila sa pinakamalapit na ospital.

Ang drill ay nilahukan ng iba’t ibang LGUs hindi lang mula sa Laguna kundi maging sa Cavite at Batangas gayundin ng ilang pribadong kumpaniya.

Sa pagtatapos ng pagsasanay pinapurihan ni Phivolcs Director Renato Solidum ang mga nakibahagi sa drill at aniya naging seryoso ang lahat sa kabila ng pagbuhos ng malakas na ulan.

Ibinahagi ni Solidum na kapag naganap ang pinangangambahang big quake, tinataya na aabot sa 48,000 ang masasawi sa CALABARZON at Central Luzon at sa sa bilang na ito ay 3,000 ang maitatala sa Laguna.

Kaya’t bilin ni Solidum ang lahat, dapat may tinatawag na “go bags” o “emergency survival kits” at mahalaga aniyang palaging handa at iwasan ang panic.

Sinaksihan din nina Defense USec. Eduardo Del Rosario, NDRRMC Executive Dir. Ricardo Jalad, ilang LGU officials at observers mula sa United Nations ang nasabing earthquake drill.

 

TAGS: nationwide earthquake drill, nationwide earthquake drill

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.