Riot sumiklab sa Bilibid; Tony Co, patay, high-profile inmates kasama si Jaybee Sebastian, sugatan

New-Bilibid-Prison(UPDATE) Patay ang isa sa mga high profile at convicted drug lord sa New Bilibid Prisons (NBP) na si Tony Co sa riot na sumiklab sa Bilibid ngayong Miyerkules ng umaga.

Ayon kay Department of Justice (DOJ) Sec. Vitaliano Aguirre II, batay sa ipinaabot sa kaniyang impormasyon, naganap ang riot alas 7:40 ng umaga sa Building 14 kung saan naroroon ang mga high-profile inmates kasama na ang tinaguriang “Bilibid 19”.

Nauwi umano sa saksakan ang kaguluhan na ikinasawi ni Tony Co. Habang ang isang pang convicted drug lord na si Peter Co ay 50-50 ang kondisyon sa ospital.

Ani Aguirre, nasa pagamutan sa Muntinlupa City sina Jaybee Sebastian at Vicente Sy na kapwa sugatan din.

Sa inisiyal na impormasyon na ipinarating kay Aguirre, nagpo-pot session umano sina Tony Co, Peter Co, at Vicente Sy nang sila ay sitahin ng isa pang inmate na si dating Police Major Clarence Dongail .

Sumama umano ang loob ng tatlong sinita at nagsumbong kay Sebastian na nagresulta na sa riot.

“Nagshashabu daw si Peter Co, Tony Co at Vicente Sy, sinaway ni Maj. Dungael at sinabing wag nyo gawin yan lahat tayo mapapasama, minasama yun ni Tony Co, nagsumbong siguro kay Jaybee Sebastian, sinugod nila si Maj. Dungael (isa ring inmate na dating police major). Doon na nagkaroon ng riot, 50-50 si Peter Co, sugatan si Jaybee Sebastian at Vicente Sy. Sugatan din si Maj. Dongail,” ayon kay Aguirre.

Ayon kay Aguirre, kahit gaano kahigpit ang ipinatutupad na seguridad ng Special Action Force (SAF) nagagawa pa rin talaga ng mga preso na makapagpasok ng cellphone at shabu.

 

 

 

Read more...