Senior citizens sa Makati, cupcakes na lang ang natatanggap sa birthday

 

Mula sa inquirer.net

Kilala ang lungsod ng Makati sa pagbibigay ng kanilang lokal na pamahalaan ng cake sa mga senior citizen nila na nagdiriwang ng kanilang kaarawan.

Ngunit ngayon, imbis na ang nakasanayang cake, anim na pirasong cupcakes na lang ang natatanggap ng mga senior citizens mula nang maupo si Makati City Mayor Abby Binay.

May kalakip pang liham ang cupcakes mula sa Dimpy’s Kitchen na ibinibigay sa senior citizens, kung saan nakasaad ang pagbati na ipinapaabot ng alkalde, kasabay ng paghingi niya ng paumanhin dahil wala pa silang maibibigay na birthday cake sa ngayon.

Sinisi naman ni Binay ang kapabayaan umano ng nagdaang administrasyon ni dating Mayor Romulo “Kid” Peña, dahil hindi aniya naproseso nang maayos ang mga papeles para sa birthday cakes ng kanilang mga senior citizens.

Iginiit rin ng alkalde na hindi sila makapagbigay ng birthday cakes sa ngayon dahil sa nakabinbin pa ang resulta ng imbestigasyon ng Office of the Ombudsman kaugnay sa umano’y overpriced na mga cakes.

Noong nakaraang taon, sinampahan ng kasong graft si Peña dahil sa nasabing alegasyon.

Hindi naman mai-extend ng bagong administrasyon ang kontrata ng administrasyon ni Peña dahil ayaw na nilang madawit pa sa isyu.

Ayon kay City Legal Officer Michael Arthur Camiña, oras na magkaroon na ng bagong supplier, makukuha ng mga birthday celebrants mula July hanggang December ang kanilang mga cakes.

Nilinaw naman ni Binay na galing sa sarili niyang bulsa ang ipinambili ng mga cupcakes na ipinamimigay sa mga senior citizens ngayon.

Read more...