Inabisuhan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga motorista na dumadaan sa Ortigas Business District sa masikip na daloy ng trapiko bukas (Huwebes) ng gabi.
Ito ay dahil sa isasagawang night time drill sa nasabing lugar bukas alas 8:00 hanggang alas 9:30 ng gabi. Kadugtong ito ng gagawing Metro-wide shake drill na magaganap naman alas 10:30 hanggang alas 11:30 ng umaga.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na tatanggalan ng suplay ng kuryente ang buong business district ng Ortigas sa kasagsagan ng drill.
Dahil dito, maging ang mga traffic lights aniya ay hindi gagana at aasahan na ang pagsisikip ng daloy ng trapiko.
“Bukas ng gabi sa Ortigas Business District, blackout po diyan, walang kuryente. Kaya i-expect po ninyo ang traffic bukas ng gabi sa Ortigas kasi papatayin po ang suplay ng kuryente,” sinabi ni Tolentino
Samantala, ayon kay Tolentino, umaabot na sa 931,000 ang bilang ng mga volunteers na nagpalista para sa gagawing Metro-wide shake drill. Mas mataas ito sa inaasahan nilang 800,000 na volunteers.
Posible rin aniyang madagdagan pa ang bilang at umabot sa 1.2 million ang mga volunteers hanggang bukas ng umaga./ Dona Dominguez-Cargullo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.