Hindi kinagat ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mungkahi ni Moro National Liberation Front (MNLF) chairman Nur Misuari na isama ang bandidong grupong Abu Sayyaf sa usaping pangkapayapaan.
Ayon sa pangulo, matagal na niyang hinihintay na makausap si Misuari, pero hindi niya gusto ang iminungkahi umano nito na isama na sa usapan ang Abu Sayyaf.
Sa pahayag ng pangulo sa Taguig City kahapon, lumalabas na ang gusto ng MNLF ay oras na maayos ang relasyon nito sa pamahalaan, maisasama sa general amnesty ang bandidong grupo.
Kung ganoon lang aniya, mas nais pa ng pangulo na huwag na lang magkaroon ng pag-uusap ang MNLF at ang gobyerno.
Giit pa ni Duterte, sa tanang buhay niya, hindi siya papayag dito dahil hindi niya malaman ang punto kung bakit pa niya kailangang makipagusap sa grupong tinukoy niya bilang mga “hayop.”
Kung ipipilit aniya ni Misuari ang panukalang ito, hindi na matutuloy ang usaping pangkapayapaan sa MNLF, at sinabi niyang maghintay na lang ang mga ito na mapalitan ang pangulo.
Dagdag pa niya, dalawa lang ang pagpipilian, ito ay kung iiwanan ni Misuari ang Abu Sayyaf o aalagaan niya ang mga ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.