Pagbagsak ng piso, hindi gaanong makakaapekto sa bilihin at langis – DTI

 

Inquirer file photo

Sa ngayon ay halos wala pang epekto ang paghina ng piso kontra dolyar sa presyo ng mga bilihin at inaangkat na langis.

Posible pa umanong mag-benepisyo rito ang mga Philippine exporters, overseas Filipino workers (OFWs) at outsourcing companies na may operasyon dito sa Pilipinas.

Pahayag ito ni Trade Secretary Ramon Lopez, na sinabi rin na ang depreciation ng piso ay mas mababa pa sa five percent kaya naman napakahina pa ng magiging epekto nito sa presyo ng produksyon ng mga bilihin.

Bagaman aminado si Lopez na kahit paano ay may epekto ito sa mga produktong inaangkat, depende pa rin aniya ito sa porsyento ng imports sa kabuuan ng total cost of production.

Kaya naman ayon sa kalihim, ligtas pang sabihin ngayon na wala pa silang nakikitang malaking epekto ng peso depreciation sa mga produkto.

Aniya pa, maganda para sa mga OFWs ang nangyaring slight depreciation dahil mas mataas ang palit ng dolyar kaya mas malaki rin ang kanilang remittances.

Samantala, bahagya namang naka-recover ang piso kahapon nang magsara ito sa 48.17 kontra dolyar, na mas mataas ng walong sentimos sa 48.25 kontra dolyar noong Lunes.

Gayunman, nananatili pa rin itong nasa seven-year low at nasa pinakamahinang antas mula September 15, 2009 kung saan nagsara ito ng 48.35 kontra dolyar.

Read more...