Duterte: “ I am very sorry”

Duterte arayat
Inquirer photo

Personal na humingi ng paumanhin si Pangulong Rodrigo Duterte kina dating Pangasinan Governor at ngayo’y Cong. Amado Espino, dating Provincial Administrator Rafael Baraan at Board Member Raul Sison.

Ipinaliwanag ni Duterte na nagkaroon ng lapses sa pagkakaugnay ng kanilang mga pangalan sa narco list na nauna na niyang isinapubliko.

Pero sinabi ng pangulo na dapat ipaliwanag ng grupo ni Espino ang pagkakasangkot nila sa black sand mining kung saan ay may kinakaharap silang kaso sa Ombudsman.

“Kahit na bastos ang bunganga ko pero kapag ako’y nagkamali marunong akong mag-sorry from my heart”, paliwanag ng pangulo.

Sinabi pa ni Duterte na walang dapat sisihin sa nasabing pagkaka-anunsyo ng pangalan ng nasabing personalidad kundi siya mismo dahil siya rin naman ang naghayag nito sa publiko.

Ipinaliwanag rin ng pangulo na sa kanyang pagbabalik mula sa working visit sa Vietnam ay baka ianunsyo na niya ang mga pangalan na nakasulat sa kanyang ikatlong narco list.

Personal na pinangunahan ni Duterte ang pag-iinspeksyon sa isang malaking shabu laboratory sa Brgy. Laquis Arayat, Pampanga na nadiskubre kamakailan.

May kakayahan ang nasabing laboratory na nasa gitna ng isang piggery na gumawa ng 400 kilo ng shabu kada araw.

Ipinag-utos na ni Duterte ang paghahanap sa may-ari ng nasabing shabu lab na si Sunday Chua.

Read more...