WATCH: Video ng LRT train na biglang sumara ang pinto, viral sa social media

By Mariel Cruz September 27, 2016 - 01:25 PM

LRT1Viral ngayon sa social media ang isang video kung saan makikita ang mabilis na pagsara ng pintuan ng isang tren ng LRT.

Sa video na nakuhanan ni Seemon Florano at ipinost sa Facebook, mapapanood sa una ang normal na proseso ng pagbaba ng mga pasahero sa LRT nang bumukas ang pinto nito.

Pero matapos ang ilang segundo at nang makababa at makasakay na ang ilang pasahero, bigla na lamang sumara ng mabilis at malakas ang pintuan ng nasabing tren ng LRT.

Wala naman nasaktan sa pangyayari dahil wala nang sumasakay nang sumara ng mabilis ang naturang pintuan.

Pero ikinabahala ng mga netizen ang naturang pangyayari kung saan marami sa mga ito ang natakot na posibleng sa susunod na mangyari ito ay mayroon nang maipit o masaktan lalo na kapag rush hour o sa mga oras na marami ang sumasakay na pasahero na minsan ay nag uunahan pa.

Sa ngayon ay umani na ng mahigit limangdaang libong views at mahigit labing dalawang share ang naturang post.

Wala pang inilalabas na pahayag ang pamunuan ng LRT sa nasabing pangyayari.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.