Nagkasagutan sina Democrat candidate Hillary Clinton at Republican candidate Donald Trump sa unang bahagi ng kanilang debate na nakasentro sa economy at foreign policy.
Ilang beses na tinangka ng bawat isa na wasakin ang isa’t isa sa kani-kanilang pagpapaliwanag.
Bago magsimula ang debate, nagkamayan naman at nag-ngitian ang dalawa pero nang magsimula na ang pagtalakay sa mga isyu naging mainit na ang sitwasyon.
Tinawag pa ni Trump si Clinton na “all talk, no action.”
Ayon kay Clinton, ramdam niyang lahat ay isisisi sa kaniya ni Trump, tanong naman ni Trump, “Bakit hindi?”.
Binanatan ni Clinton ang hindi paglalabas ng tax returns ni Trump.
Inamin naman ni Trump na marami siyang pinagkukunan ng pera o yaman, at aniya napapanahon na para ang Estados Unidos ay pamunuan ng isang taong mataas ang kaalaman tungkol sa pera.
Binuweltahan naman ni Trump si Clinton at inungkat ang trade policies nito at sinabing aaprubahan ng dating state secretary ang kontrobersyal na trade deal ng US sa Asian countries sa sandaling siya ang manalo.
Mula sa trade policy, nauwi pa sa laban kontra sa Islamic State nang akusahan ni Trump si Clinton sa pagbibigay ng mahahalagang impormasyon umano sa mga kalaban dahil sa pagdedetalye sa kaniyang website ng mga plano kung paano niya tatpausin ang terorismo.