Marcelino, tinawagan si De Lima at iba pa matapos mahuli sa raid sa Maynila

By Kabie Aenlle September 27, 2016 - 03:00 AM

 

Marcelino PdeaAgad na tinawagan ni Marine Lt. Col. Ferdinand Marcelino si Sen. Leila de Lima at dalawang iba pang matataas na opisyal ng pulis at militar para subukang malusutan ang posibleng kasong kakaharapin niya matapos siyang mahuli sa drug raid na naganap sa Maynila noong Enero.

Ito ay ayon kay Atty. Enrico Rigor na Legal Division Chief ng Philippine National Police Anti-Illegal Drugs Group (PNP-AIDG).

Ani Rigor, hindi patas para sabihin ni Marcelino na tinaniman lang siya ng mga pulis ng ebidensya upang maisangkot siya sa nasabat na P380 milyong halaga ng shabu sa nasabing raid.

Tanong pa ni Rigor, paano namang maitatanim lang ang ganoong kalaking halaga ng droga?

Isinasalaysay pa ni Rigor na nang mahuli sina Marcelino at kasama nitong Chinese na si Yan Yi Shou sa loob ng ni-raid na bahay sa Feliz Huertas Road sa Maynila, sinubukan ng dating ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na tawagan ang ilang tao na aniya’y makapagpapatunay na lehitimo ang kaniyang ginagawang undercover work.

Bukod kay De Lima, tinawagan rin umano ni Marcelino ang dating pinuno ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) at ngayo’y Army chief na si Maj. Gen. Eduardo Año para patunayan na may otorisasyon siya na pumunta sa lugar na iyon.

Ayon pa kay Rigor, binigyan naman nila ng sapat na panahon si Marcelino para ilabas ang kaniyang Case Operations Plan (Coplan), ngunit wala siyang naiprisinta.

Ayon pa kay Senior Associate Prosecutor Pedro Navera, hanggang ngayon ay wala pa ring ibinibigay si Marcelino na Coplan para patunayan ang kaniyang presensya sa nasabing lugar.

Ngayon ay nahaharap sina Marcelino at Yan sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act sa Manila Regional Trial Court.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.