Death penalty, dapat ibalik sakaling walang Diyos – Duterte

 

Nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na muling ipatupad ang death penalty para tiyaking pagbabayaran ng mga kriminal ang kanilang mga kasalanan sakali mang hindi totoo ang Diyos.

Ayon sa pangulo, iginigiit ng mga “bleeding hearts” tulad ng mga pari at human rights groups na wala namang nagawa laban sa krimen ang death penalty noong mga panahong ito ay ipinatupad.

Ngunit paliwanag ng pangulo, ang naging problema ay walang political will ang mga nagdaang pangulo para gamitin ang parusang ito upang takutin ang mga kriminal.

Aniya pa, paano na kung wala talagang Diyos, na ayon sa mga ‘bleeding hearts’ at Simbahang Katoliko, ay tanging maaring pumatay ng tao.

Tanong ni Duterte, sa panahong may isang sanggol na kinuha mula sa kaniyang inang natutulog sa ilalim ng jeep, ginahasa at pinatay, nasaan ang Diyos?

Ayon kay Duterte, naniniwala naman siya sa Panginoon pero ito ang kaniyang perpetual question.

Aniya pa, nasaan ang Diyos noong siya ay kailangan ng mga tao, at na hindi naman sapat na sabihing sa pagtatapos ng mundo ay siya ang huhusga sa mga nabubuhay at namatay.

Bagaman isang predominantly Catholic country ang Pilipinas, sinabi ni Duterte na ilang pa rin sa mga tao rito ay pawang mga atheists at agnostics, dahil sa panahon ngayon ay marami nang kumukwestyon sa Diyos.

Kaya naman giit ng pangulo, nais niyang ibalik ang parusang bitay dahil ito lang ang tanging paraan para mabigyang katarungan ang mga nabiktima ng heinous crimes.

Read more...